Sa mga kaisipang inilahad ni Nicholas Ostler sa babasahing Languages Today and Tomorrow, nais kong bigyan ng pansin ang pagbanggit niya sa iba't-ibang naging kalagayan ng iba't-ibang wika, gaya ng naging kalagayan ng wikang Latin na hindi naging matagumpay sa pananatili dahil sa pagkawala ng populasyon ng mga taong gumagamit ng nasabing wika. Sa pagsasakonteksto ng kaganapang ito sa Pilipinas, maaaring ang wikang Tagalog ay nagtamo ng parehong karanasan sa Latin. Maaaring ito'y ganap nang (o kung ganap man) hindi ginagamit sa kasalukuyan ngunit sa kabilang banda'y mayroong bago o modernong porma ng wika na ginagamit ng mga Pilipino sa kasalukuyan, ito ay ang Filipino na hindi maikakailang wikang Tagalog rin ang pinaghugutan. Sa usaping Latin, kasalukuyang ginagamit naman ang mga kapatid nitong wika gaya ng Espanyol, Aleman at Ingles, na kasalukuyang naghaharing wika sa daigdig.
Mapapansin rin ang hayag at diretsong paglalahad ni Ostler ng kasalukuyan at hinaharap ng wikang Ingles na sinasabing naghaharing wika sa kasalukuyan hanggang sa mga sususnod na panahon. Inilahad na ang nasabing wika (at ang French) ay may kaakibat na kapangyarihan, simbulo ng denominasyong kolonyal at higit sa lahat ay susi ng pagkakaroon ng partisispasyon sa globalisasyon dahil sa kulturang moderno at popular. Sa konteksto ng Pilipinas, hayagan ang ganitong katayuan ng wikang Filipino, na sa mahabang panahonay pinaniwalaan at pinaniniwalaang wika ng mga edukado, ng mga pantas bilang ang sentro ng kapangyarihan sa 'ting bansa sa ngayon ay sa kamaynilaan. Ngunit hayag rin na di hamak na mas nakararami ang gumagamit ng wikang Cebuano dito sa ating bansa. Sa ganitong punto pumapasok ang usapin sa kalagayan ng Mandarin Chinese bilang wika. Di hamak na mas marami ang bilang ng mga gumagamit ng wikang Mandarin kung ikukumpara sa mga gumagamit ng Ingles, kung kaya sa paglipas ng panahon, maaaring malagay ang Mandarin sa kasalukuyang katayuan ng Ingles, na posibleng maging karanasan rin ng wikang Filipino at Cebuano sa hinaharap.
Sa ideya rin na ang wika ay maaaring magkaroon ng halaw o bagong porma na ang batayan ay ang lugar ng pagkatuto ay lubos ko ring sinasangayunan. Sa probinsiya ng aking mga magulang, sa aming mga pagbisita roon, napansin kong ang mga batang pumapasok sa eskwelahan lamang ang matatas sa pagsasalita at pag-unawa ng wikang Filipino. Bhagya mang naaapektuhan ang tono ng kanilang pananalta, pagbabaybay at pagbibigay kahulugan ay may bahagyang pagkakaiba sa mga batang namulat at natuto sa mga siyudad ng Kamaynilaan. Kadalasan kasi'y napaghahalo nila ang wikang una nilang natutunan sa wikang Filipino. Kung tutuusin, karamihan sa mga tao sa probinsiya ay sa eskwelahan lamang ginagamit at mas natututunan ang wikang Filipino kaya't hindi lahat ay marunong gumamit nito. Sa kalagayang ito, ang hilagyo ng lugar at antas ng pagtuturo sa mga paaralan bilang institusyon ay natutukoy.
Sa mga nakaraang babasahin hinggil sa wika, kapansin-pansin ang magkaibang atake ng dalawang may-akda (Nicholas Ostler at David Crystal) sa paglalahad ng mga kalagayan ng wika. Si Crystal ay mas natuon sa pagbibibigay at paglalatag ng mga kaalamang napag-aralan na at napatunayan na ng ibang mga linggwistiko at siyentipiko. Kapansin-pansin na walang kamalayan na nanggaling sa may-akda. Habang si Ostler naman ay hayagang tumumbok sa mga kaisipang kanya mismong napag-aralan at naanalisa. Sa mga ideyang nais ipaunawa ng mga manunulat, ang hiwaga ng tunay na kahihinatnan ng mga wika ay tunay paring palaisipan- mawala, hahalawan at panggagalingan man ito ng bagong wika o hindi magbabago sa matagal na panahon.
No comments:
Post a Comment