Saturday, December 12, 2009

pagkamamamayan

Ilang taon na rin ang inilagi ko sa unibersidad. Sa mga nakaraang taon ko bilang kabilang sa sangkalakhan ng mga estudyanteng nadikit na sa pangalan ang prestihiyoso at pamosong reputasyon ng UP, tunay na lubos akong nakikinabang sa mataas na tingin ng mga tao magmula nang makapasa ako sa UPCAT. Magmula noon hanggang sa kasalukuyan, pilit ko paring sinusumpungan ang aking malaking gampanin sa lipunang aking pinanggalingan at kinabibilangan. Lumaki akong isang batang simbahan, bilang isang lider-kabataan at miyembro ng mang-aawit sa misa. Ang aking ina ay maigting na mananampalataya at matulungin sa aming parokya (simbahan). Sa madaling sabi, pinalaki ako ng aking mga magulang na may takot sa Diyos, mapagmahal sa kapwa at lubos na ibinabahagi sa kapwa at komunidad ang anumang mayroon ako (lakas paggawa man, oras, kakayahang mental at kung minsan ay pinansiyal). Ngunit ang tunay na hilagyo ng pagkamamamayan, pagkamakabayan, at pagka-iskolar ng bayan ay patuloy ko paring pinagninilayan, sinusubok ang mga paraang maaaring makapagbigay sa akin ng kasagutan, maging ito man ay mapangahas. Ang pagdagdag ng aking edad sa tingin ko’y sumasalamin rin sa aking makabuluhang paglago bilang tao, at paglago ng aking pagkatao. Bilang isang aktibong miyembro ng aming parokya, hindi na mabibilang kung gaano kahaba na ang mga panahong hindi ko ipinagkait sa ngalan ng pagsisilbi sa simbahan at sa mamamayan. Ang pagtulong sa pagoorganisa ng aming komunidad bilang lider-kabataan, pagtuturo sa mga batang hindi mabilis na nakakaunawa sa mga lektyur na pinag-aaralan, paglilinis ng simbahan at ng mga kalsada sa mga “clean-up drives”, mga pagsabak at pagiging parte ng mga operasyon lalong-lalo na sa pagbayo sa mga tao at mga ari-arian nila ng mga nakaraang bagyo. Masasabi kong isang malaking pakinabang na ang aking mga magulang mismo ang sumusuporta sa aming pagtulong (na magkakapatid) sa mga taong nangangailangan, lalong lalo na ay sila pa ang lubos na natutuwa sa bawat kapakipakinabang na layon ng aming mga gawa. Sa tuwing nagkakaroon ako ng pagkakataong tumulong, hindi ako nagdadalawang isip. Parte na rin kasi ito ng sistema ko, mga gawing hindi ko na maiaalis dahil sa nakasanayan na. Ngunit sa aking pagninilay, napapaisip ako kung ano pa ang mas malaking pagtulong na maaari kong magawa sa ngalan ng pagtulong sa kapwa, sapagkat batid kong hindi ko pa nababahagi ang iba pang mga lakas at kakayahang mayroon ako. Isa ako sa mga estudyanteng tinatawag na “GC o grade conscious”, oo aminado ako doon sapagkat ang kahalagahan ng grado bilang isang batayan ng pagkatuto ay lubos kong pinaniniwalaan kung kaya ang kagalingang pang-akademiko ay aking inaalagaan at ipinapanatili. Sa kabilang banda, naniniwala naman ako na isang batayan lamang ng pagkatuto ang mga grado dahil ang aplikasyon ng mga kaalamang ating nakukuha sa apat na sulok ng silid aralan ay isa ring mahalagang batayan. Sa kabila ng aking pagka-“gc”, ako rin ay nangangahas sa alternatibing pagkatuto at aplikasyon ng kaalaman. Historikal ang pagkakilala ng UP bilang pugad ng mga aktibista, mga radikal at mga kritiko ng lahat ng mga pangyayari sa lipunan lalo na sa opresyong hatid ng mga naghaharing-uri. Ang pag-aaral sa kalsada, ang pakikisama sa mga sector ng lipunang lubos na nakararanas ng opresyon, mga mapangahas na aksiyon sa mga hakbang ng gobyerno na walang legal na batayan kundi kabutihan ng iilang may kapangyarihan, at marami pa ay aking kinukundena. Nakakatakot man, ngunit ako ay kasama sa pagsulong ng pakikipaglaban sa mga naghaharing uri na ang layon ay ang pagkakapantay-pantay ng mamamayan. Batid kong matagal maisasakatuparan ang aming layong ito, kung kaya ang pagtulong at pagbawas sa anumang porma ng opresyong hindi maikakailang matatagpuan sa ating lipunan ay lubos ko nag ikinasisiya. Ang simpleng “walk-outs” na nagbigay daan sa mga pagbaba ng presyo ng langis ay isang halimbawa at ang simple at maliit na pagbabagong ito ay nakadadagdag pa ng aking hangaring maging kapaki-pakinabang sa bayan. Bilang isang miyembro ng burgesya, kung tutuusin, ang mga hakbang na aking itinatahak ay nangangailangan ng lubos na paninindigan at lakas ng loob. Sa batayang pang-ekonomiya, maaari sabihing wala akong maging pakialam sa malaking sektor ng lipunang nakararanas na pinaka-matinding hagupit ng opresyon. Ang aking pamilya ay may kakayahang ibigay ang aming mga pangangailangan, ngunit sa aking kinalalagyan sa lipunan, mahirap ang maging pipi at bingi, higit sa lahat, mahirap ang maging liberal na walang pakialam sa kalagayan ng iba. Ang aking simpleng pagtulong sa aming simbahan at sa aming maliit na komunidad, hanggang sa aking pakikibahagi sa mga pagkilos na naglalayon ng ikabubuti nating mga Pilipino, lalo na ang ating mga kababayang ang tanging naging kasalanan ay ipanganak ng walang pagmamay-ari ang mga magulang o ang mga sinasabing mga ipinanganak na walang gintong kutsara sa kanilang mga bibig ay ang aking batayan ng pagkamamamayan sa kasalukuyan. Hindi ko pa batid hanggang sa ngayon kung nasa tamang landas ba ako ng kaisipan hinggil sa pagkamamamayan, paka-UPan o iskolar ng bayan at pagka-Pilipino ngunit alam kong sa abot ng aking makakaya, ginagawa ko ang mga bagay na sa aking pananaw ay tama. Lalo pang lumalakas ang aking kalooban dahil dama ko ang suporta ng aking mga magulang at ng aking mga kaparokya. Ang aking mga plano sa hinaharap ay patuloy parin sa pagbuo. Hindi maikakailang ang pamilya ko ang aking kaunahan sa lahat ng mga pangarap ko. Ngunit, ang kabutihan ng nakararami ay isa ko ring layon sa buhay at ang magkaroon ng bahagi sa layong ito ay isa siguro sa aking mga misyon sa buhay na lubos kong ipinagdadasal at gagampanan gamit ang mga kalakasang ipinagkaloob sa akin ng Maykapal.

No comments:

Post a Comment