Monday, January 4, 2010

Mahal ang Filipino


Ikalawang araw ng taon ang una kong paglabas (na sa ‘king termino ay paglalakwatsa). Sa pag-iikot sa Gateway, napapasok ako sa tindahan ng Fully Booked. Maraming aklat ang lubos na nakapukaw ng aking pansin. Mga nobela, istorya, at iba’t-iba. Pagdating naman sa Filipiniana Section ng tindahan, napukaw ang aking pansin ng isang aklat na pinamagatang “Mga Atraso ni Erap”, katipunan ito ng mga editorial at mga kolumn ng diyaryo hinggil sa ating dating Pangulong Estrada na kritisismo sa panahon ng kaniyang panunungkulan. Natuwa akong bulkatin ang aklat na halatang nagdaan na sa maraming pares ng mga kamay, ngunit nanatiling hindi binibili sa kabila ng mura nitong presyong Dalawandaang Piso.


Sa kabila ng pagkatuwa sa aklat, nabaling naman ang aking atensiyon sa isang aklat. “Ano ‘yon, Ano ‘yan? The whats and whys of being a Fiipino” ni Cynthia Sta. Maria Baron ang titulo ng aklat. Isa itong diksiyunaryo na nagbibigay ng kahulugang Ingles sa mga Filipinong salita.

Sa aking pagbasa sa mga unang dahon ng aklat, binasa ko ang mga kahulugang ibinigay ng may-akda sa bawat salita, pati na ang pagbibigay nito ng introduksiyon sa A na unang letra sa ating alpabeto. Ganito ang kanyang pagkakasulat:


The Letter A


In Filipino, the letter A is pronounced like the English A. But the words that have the letter A are mostly pronounced like the A in arm, not the short A in apple. It’s like saying ah!



Aba [ah-bah] an expression of surprise or indignation. It is usually uttered by an older, wiser person to someone younger, less experienced. First of many words your grandmother could say when you, at 35, tell her you are old enough to live your own.






Sa ‘king palagay, napapalayo ang konteksto ng kahulugan ng isang salita sa pagdadagdag pa ng mas marami pang mga salita, depinisyon o ideya. Sa kabilang banda naman, may bago akong natutunan sa librong nabanggit. Nalaman kong ang jerjer (na matagal nang nagagamit pangkahulugan sa salitang pagatatalik) ay isa palang salitang Bisaya na halaw sa salitang Ingles na sa Bisaya, ang kahulugan ay pareho sa aking nalalaman. Sa maraming taon, pinaniwalaan kong ang salitang ito'y kolokyal at kahanay ng iba pang salitang naririnig sa araw-araw tulad ng chorva, ek-ek, chenes, at iba pa na umusbong mula sa paglalaro natin ng mga salita. Mga salitang karaniwa'y impormal napapangahulugan, mga kahulugang napagkasunduan lamang ng iilan at masasapit sa pagpapasa sa pagdaan ng panahon.



 Magandang basahin ang mga aklat na akda ng ating mga kababayan para mas maging pamilyar sa 'ting sariling wika. Sayang nga lang at sobrang sandali lamag ang panahon ko upang makaniig ang aklat. Nais ko mang bilihin, hindi ko makakaya bilang limandaang piso ang halaga ng aklat. Kailangan munang mag-ipon.



Sa halagang iyon, maraming nobela na ang aking mabibili sa mga book sale, na kadalasa'y Ingles. Dahilan ng pagkawalay ng ilang Pilipinong mambabasa sa akda ng kanilang mga kababayan, higit doon ay ang pagkawalay sa lubos na pagkatuto sa sariling wika.

No comments:

Post a Comment