Sa panahong nasa maigting nang antas ng kapitalismo ang nararanasan ng mga mamayan sa buong daigdig, ang kalagayan ng bawat bansa ay labis na naaapektuhan, isa rito ang Pilipinas. Bilang bansang may etiketang "ikatlong daigdig", mahabang panahon na tayong nananatiling maraming hakbang mula sa likod ng mga imperyalistang bansa. Hawak tayo sa leeg ng mga imperyalista, hawak nila ang ating buhay, paglago, at pagkatuto. Bilang bansang kinakatasan ng mga hilaw na kasangkapan, nagiging tambakan ng mga labis na produkto at nangungunang biktima ng pang-ekonomiyang hidwaan ng daigdig, ang pag-unlad ng bawat mamamayan ay nahahadlangan. Kaakibat nito ang historikal na paglago ng bilang ng mga taong nananatili sa mababang uri ng lipunan, na nabibigyang depinisyon ng estadong pang-ekonomiya.
Sa pagtutukoy ng makamasang wika sa Pilipinas, iisa at iisa lamang ang lalabas na kasagutan, ang Filipino. Tukoy ang Filipino bilang makamasang wika bilang ang masa (nakararaming bilang ng tao), o sangkalakhan ng ating populasyon ay gumagamit at nagkakaintindihan gamit ang wikang nabanggit.
Hindi maikakailang alipin ang ating ekonomiya, pulitika at kultura ng mga Imperyalista, kung kaya ang ating pangunahing industriya ay hindi para sa ikauunlad ng ating bayan, kundi nila, ang batayan ng pamumuno ay hindi para sa kapakanan ng mamayan sa 'ting bansa ngunit para sa kapakanan ng iilan sa ibang bayan. Nakababahalang halos lahat ay nahuhumaling na rin sa kulturang impe at dayuhan kung kaya ang pagbubuklod natin bilang bayan ay hindi maisakatuparan, halimbawa ay ang indibidwalistang kulturang dala ng "ako mismo" na ang malinaw na hangad lang naman ay kapital. Kung tutuusin, sa bandang huli, hikaos man o mayaman, tamang pagkakaintindihan ang tanging kailangan para matuldukan ang pansasamantalang ating nararanasan hanggang sa kasalukuyan. Sa persona ng ating wika, natutukoy ang kasagutan, ngunit ang hamon ng pag-aksiyon at paraan ng paggamit nito bilang punglo ng ating armas ay nananatiling isang malaking katanungan.
No comments:
Post a Comment