Monday, January 4, 2010

Makamasang Wika Bilang Sandata

Sa panahong nasa maigting nang antas ng kapitalismo ang nararanasan ng mga mamayan sa buong daigdig, ang  kalagayan ng bawat bansa ay labis na naaapektuhan, isa rito ang Pilipinas. Bilang bansang may etiketang "ikatlong daigdig", mahabang panahon na tayong nananatiling maraming hakbang mula sa likod ng mga imperyalistang bansa. Hawak tayo sa leeg ng mga imperyalista, hawak nila ang ating buhay, paglago, at pagkatuto. Bilang bansang kinakatasan ng mga hilaw na kasangkapan, nagiging tambakan ng mga labis na produkto at nangungunang biktima ng pang-ekonomiyang hidwaan ng daigdig, ang pag-unlad ng bawat mamamayan ay nahahadlangan. Kaakibat nito ang historikal na paglago ng bilang ng mga taong nananatili sa mababang uri ng lipunan, na nabibigyang depinisyon ng estadong pang-ekonomiya.

Sa pagtutukoy ng makamasang wika sa Pilipinas, iisa at iisa lamang ang lalabas na kasagutan, ang Filipino. Tukoy ang Filipino bilang makamasang wika bilang ang masa (nakararaming bilang ng tao), o sangkalakhan ng ating populasyon ay gumagamit at nagkakaintindihan gamit ang wikang nabanggit.

Hindi maikakailang alipin ang ating ekonomiya, pulitika at kultura ng mga Imperyalista, kung kaya ang ating pangunahing industriya ay hindi para sa ikauunlad ng ating bayan, kundi nila, ang batayan ng pamumuno ay hindi para sa kapakanan ng mamayan sa 'ting bansa ngunit para sa kapakanan ng iilan sa ibang bayan. Nakababahalang halos lahat ay nahuhumaling na rin sa kulturang impe at dayuhan kung kaya ang pagbubuklod natin bilang bayan ay hindi maisakatuparan, halimbawa ay ang indibidwalistang kulturang dala ng "ako mismo" na ang malinaw na hangad lang naman ay kapital. Kung tutuusin, sa bandang huli, hikaos man o mayaman, tamang pagkakaintindihan ang tanging kailangan para matuldukan ang pansasamantalang ating nararanasan hanggang sa kasalukuyan. Sa persona ng ating wika, natutukoy ang kasagutan, ngunit ang hamon ng pag-aksiyon at paraan ng paggamit nito bilang punglo ng ating armas ay nananatiling isang malaking katanungan.

Mahal ang Filipino


Ikalawang araw ng taon ang una kong paglabas (na sa ‘king termino ay paglalakwatsa). Sa pag-iikot sa Gateway, napapasok ako sa tindahan ng Fully Booked. Maraming aklat ang lubos na nakapukaw ng aking pansin. Mga nobela, istorya, at iba’t-iba. Pagdating naman sa Filipiniana Section ng tindahan, napukaw ang aking pansin ng isang aklat na pinamagatang “Mga Atraso ni Erap”, katipunan ito ng mga editorial at mga kolumn ng diyaryo hinggil sa ating dating Pangulong Estrada na kritisismo sa panahon ng kaniyang panunungkulan. Natuwa akong bulkatin ang aklat na halatang nagdaan na sa maraming pares ng mga kamay, ngunit nanatiling hindi binibili sa kabila ng mura nitong presyong Dalawandaang Piso.


Sa kabila ng pagkatuwa sa aklat, nabaling naman ang aking atensiyon sa isang aklat. “Ano ‘yon, Ano ‘yan? The whats and whys of being a Fiipino” ni Cynthia Sta. Maria Baron ang titulo ng aklat. Isa itong diksiyunaryo na nagbibigay ng kahulugang Ingles sa mga Filipinong salita.

Sa aking pagbasa sa mga unang dahon ng aklat, binasa ko ang mga kahulugang ibinigay ng may-akda sa bawat salita, pati na ang pagbibigay nito ng introduksiyon sa A na unang letra sa ating alpabeto. Ganito ang kanyang pagkakasulat:


The Letter A


In Filipino, the letter A is pronounced like the English A. But the words that have the letter A are mostly pronounced like the A in arm, not the short A in apple. It’s like saying ah!



Aba [ah-bah] an expression of surprise or indignation. It is usually uttered by an older, wiser person to someone younger, less experienced. First of many words your grandmother could say when you, at 35, tell her you are old enough to live your own.






Sa ‘king palagay, napapalayo ang konteksto ng kahulugan ng isang salita sa pagdadagdag pa ng mas marami pang mga salita, depinisyon o ideya. Sa kabilang banda naman, may bago akong natutunan sa librong nabanggit. Nalaman kong ang jerjer (na matagal nang nagagamit pangkahulugan sa salitang pagatatalik) ay isa palang salitang Bisaya na halaw sa salitang Ingles na sa Bisaya, ang kahulugan ay pareho sa aking nalalaman. Sa maraming taon, pinaniwalaan kong ang salitang ito'y kolokyal at kahanay ng iba pang salitang naririnig sa araw-araw tulad ng chorva, ek-ek, chenes, at iba pa na umusbong mula sa paglalaro natin ng mga salita. Mga salitang karaniwa'y impormal napapangahulugan, mga kahulugang napagkasunduan lamang ng iilan at masasapit sa pagpapasa sa pagdaan ng panahon.



 Magandang basahin ang mga aklat na akda ng ating mga kababayan para mas maging pamilyar sa 'ting sariling wika. Sayang nga lang at sobrang sandali lamag ang panahon ko upang makaniig ang aklat. Nais ko mang bilihin, hindi ko makakaya bilang limandaang piso ang halaga ng aklat. Kailangan munang mag-ipon.



Sa halagang iyon, maraming nobela na ang aking mabibili sa mga book sale, na kadalasa'y Ingles. Dahilan ng pagkawalay ng ilang Pilipinong mambabasa sa akda ng kanilang mga kababayan, higit doon ay ang pagkawalay sa lubos na pagkatuto sa sariling wika.

Wika sa Pilipinas at Daigdig

Sa mga kaisipang inilahad ni Nicholas Ostler sa babasahing Languages Today and Tomorrow, nais kong bigyan ng pansin ang pagbanggit niya sa iba't-ibang naging kalagayan ng iba't-ibang wika, gaya ng naging kalagayan ng wikang Latin na hindi naging matagumpay sa pananatili dahil sa pagkawala ng populasyon ng mga taong gumagamit ng nasabing wika. Sa pagsasakonteksto ng kaganapang ito sa Pilipinas, maaaring ang wikang Tagalog ay nagtamo ng parehong karanasan sa Latin. Maaaring ito'y ganap nang (o kung ganap man) hindi ginagamit sa kasalukuyan ngunit sa kabilang banda'y mayroong bago o modernong porma ng wika na ginagamit ng mga Pilipino sa kasalukuyan, ito ay ang Filipino na hindi maikakailang wikang Tagalog rin ang pinaghugutan. Sa usaping Latin, kasalukuyang ginagamit naman ang mga kapatid nitong wika gaya ng Espanyol, Aleman at Ingles, na kasalukuyang naghaharing wika sa daigdig.
Mapapansin rin ang hayag at diretsong paglalahad ni Ostler ng kasalukuyan at hinaharap ng wikang Ingles na sinasabing naghaharing wika sa kasalukuyan hanggang sa mga sususnod na panahon. Inilahad na ang nasabing wika (at ang French) ay may kaakibat na kapangyarihan, simbulo ng denominasyong kolonyal at higit sa lahat ay susi ng pagkakaroon ng partisispasyon sa globalisasyon dahil sa kulturang moderno at popular. Sa konteksto ng Pilipinas, hayagan ang ganitong katayuan ng wikang Filipino, na sa mahabang panahonay pinaniwalaan at pinaniniwalaang wika ng mga edukado, ng mga pantas bilang ang sentro ng kapangyarihan sa 'ting bansa sa ngayon ay sa kamaynilaan. Ngunit hayag rin na di hamak na mas nakararami ang gumagamit ng wikang Cebuano dito sa ating bansa. Sa ganitong punto pumapasok ang usapin sa kalagayan ng Mandarin Chinese bilang wika. Di hamak na mas marami ang bilang ng mga gumagamit ng wikang Mandarin kung ikukumpara sa mga gumagamit ng Ingles, kung kaya sa paglipas ng panahon, maaaring malagay ang Mandarin sa kasalukuyang katayuan ng Ingles, na posibleng maging karanasan rin ng wikang Filipino at Cebuano sa hinaharap.
Sa ideya rin na ang wika ay maaaring magkaroon ng halaw o bagong porma na ang batayan ay ang lugar ng pagkatuto ay lubos ko ring sinasangayunan. Sa probinsiya ng aking mga magulang, sa aming mga pagbisita roon, napansin kong ang mga batang pumapasok sa eskwelahan lamang ang matatas sa pagsasalita at pag-unawa ng wikang Filipino. Bhagya mang naaapektuhan ang tono ng kanilang pananalta, pagbabaybay at pagbibigay kahulugan ay may bahagyang pagkakaiba sa mga batang namulat at natuto sa mga siyudad ng Kamaynilaan. Kadalasan kasi'y napaghahalo nila ang wikang una nilang natutunan sa wikang Filipino. Kung tutuusin, karamihan sa mga tao sa probinsiya ay sa eskwelahan lamang ginagamit at mas natututunan ang wikang Filipino kaya't hindi lahat ay marunong gumamit nito. Sa kalagayang ito, ang hilagyo ng lugar at antas ng pagtuturo sa mga paaralan bilang institusyon ay natutukoy.
Sa mga nakaraang babasahin hinggil sa wika, kapansin-pansin ang magkaibang atake ng dalawang may-akda (Nicholas Ostler at David Crystal) sa paglalahad ng mga kalagayan ng wika. Si Crystal ay mas natuon sa pagbibibigay at paglalatag ng mga kaalamang napag-aralan na at napatunayan na ng ibang mga linggwistiko at siyentipiko. Kapansin-pansin na walang kamalayan na nanggaling sa may-akda. Habang si Ostler naman ay hayagang tumumbok sa mga kaisipang kanya mismong napag-aralan at naanalisa. Sa mga ideyang nais ipaunawa ng mga manunulat, ang hiwaga ng tunay na kahihinatnan ng mga wika ay tunay paring palaisipan- mawala, hahalawan at panggagalingan man ito ng bagong wika o hindi magbabago sa matagal na panahon.