Labing-limang minuto bago mag alas-diyes ng umaga. Kung hindi sa dyip ay sa bus ako nakasakay at bababa sa Philcoa. Pihadong tatakbo ulit ako sa overpass. Minsan na akong napagkamalang mandurukot dahil sa mabibigat kong hakbang dala ng pagmamadali. Kaya sa mga sumunod kong marathon, sinisigurado kong hindi na magiging maingay, hindi hahangos at lalong hindi hahakbang na angkop sa ‘king bigat. Samakatwid, hindi dapat maging tao sa overpass.
Minsan na rin kasi akong nakaranas ng hampas. Buti na lang mabilis akong nakailag. Paranoid yun, nakaramdam lang na may tumatakbo sa likuran niya, pakiramdam ay nanakawan na siya. Tinapunan pa ako ng matalas na tingin na animo’y tunay akong mandurukot. Sa itsura naman niya, kung ako ang mandurukot, wala akong balak na taluhin siya.
Labing-tatlong minuto na lang. Nakaakyat na ako sa hagdan. Lahat nagmamadali. Katulad ko, ayaw ring mahuli. Maraming mukha, pero may ilan akong nakikilala. Madalas ko kasing makasalubong sa mga overpass gaya nito. Sa St. Peter ba? sa Litex o sa Batasan? Di ko lubos maalala. Basta may hawak na lata at nakaupo sa gitna. Di ko alam kung pamilyar ba ako sa kanila. Basta sigurado akong lagi ko silang nakakasalamuha.
Sampung minuto. Nakasakay na sa dyip at bumabagtas papasok sa UP. Nainis naman ako. Itong mga taong nakikita ko, wala nang ginawa kundi magmasid mula paa hanggang ulo. Pakiramdam ko nakakasakop sila ng pribadong espasyo. Mga manghuhusgang wala naman sa husgado. Pero pakialam ko. Nagmamadali nga ako.
Marami nang nagbabaan, marami ring pumalit sa mga upuang iniwanan. May mga nag-uusap, may mga nagsisibasa. Naalala ko bigla ang mga tore ng librong iniwan ko. Dapat ko pang matapos ang mga iyon.
Pitong minuto, lima, tatlo. Nasa tapat na ako ng gusaling paroroonan. Ang aking mga paa’y hakbang na lang ng hakbang. ‘Di na naghihintay ng dikta ng isipan. Panaka-naka mang natatapilok dahil sa ngumangawang panyapak, patuloy pa rin sa pagkaripas. Iniisip ang magiging mas malalang kalagayan ‘pag di nakapasok sa pinto sa tamang oras.
Ilang Segundo pa bago mag-alas diyes nang makapasok ako sa pinto. Walang nabago sa iniwan ko. Dahil hindi ako nahuli, may dinatnan pa akong puwesto. Nawala ang aking pagod nang sa wakas ay nakaupo na sa trono.
Gaya ng nakasanayan, ito na, sisimulan ko nang muli ang pangongopya.
No comments:
Post a Comment