Friday, July 9, 2010

untitled (hanggang sa puntong ito)

Lumagatok ang mga buto
mga mata'y patuloy na nagbukas-sara
sa ganitong oras, isa lang ang sigurado
nagising muli si Ika sa lunan na kanyang
iniwan at kinalimutan nang ipikit niya
ang mga mata nang nagdaang gabi

Mayroong maliit na tambol ang patuloy na tumutugtog
doon, doon sa kalaliman ng kanyang dibdib
tunog na kanya pa ring naririnig makailang beses man niyang
utusan ang sariling huwag makinig
isa itong katunayan na siya'y buhay
isang katunayan ng pag-asang baka mabago pa niya
ang mga pagkakamali sa buhay.
Ngunit ano ang kanyang gagawin?

Magsimula.
Kung kailan nasa kalagitnaan si Ika
ng kanyang buhay, ng kanyang mga plano, ng kanyang mga pangarap
o kung kailan nasa gitna siya ng mga kasamang salat sa pandama
at iilan lamang ang nakakaunawa?
Sa bagay, minsan naisip niyang hindi mahirap talikuran ang mga ito,
dahil alam niyang siya ay makakapagsimula muli ng magandang kwento

Pero paano kung laging ganito? Magsisimula kung sa
kalagitnaan ay makikita niyang may mali sa nais niyang kwento?
Ano ang matatapos ni Ika kung laging perpekto?
Kung laging aalalahanin niyang sa bawat kilos ay dapat nasa plano?

Buhay.
Yakapin ang pagiging di-tiyak ng buhay
Magplano man ng magplano, isa ang sigurado,
marami itong madadaanang pagbabago

Si Ika, nais niyang maging malaya,
tumakas sa mundong hindi wari kung nais niya nga ba
o talagang nakasanayan niya na lang naisin
sa huli, ang landas na tahakin ay nakasalalay pa rin kay Ika
sa kanyang desisyon kung magpatuloy ba o muling magsisimula